
Arestado ng pulisya ang isang Chinese national at dalawang Pilipinong suspek sa pagtatangkang pagnanakaw sa Brgy. Pio Del Pilar, Makati City, Huwebes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na si alyas “Lulu,” 27 years old, isang Chinese national, alyas “James,” 19 na taong gulang; at alias “Leif,” 24 na taong gulang.
Ayon sa ulat, 7:55 ng gabi kagabi, nakipagkita ang mga biktima sa mga nasabing suspek para sa kanilang 300 thousand pesos na transaksyon patungkol sa pagbili ng cellphones.
Habang isinasagawa ang transaksyon, pwersahan umanong kinuha ng mga suspek ang isa sa mga biktima patungo sa kanilang sasakyan.
Hinabol naman sila ng isa pa sa mga biktima at sumigaw para humingi ng tulong, dito na naalerto ang mga pulis na nasa malapit lang din na lugar nang panahon na iyon.
Napatigil ng pulisya ang dalawang sasakyan at dito na inaresto ang tatlong suspek.
Narekober sa kanila ang dalawang baril , ibat-ibang plaka na may ibat-ibang plate numbers, cellphones, at iba pang personal na gamit.
Bukod dito ay nakarekober din ang pulisya ng dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihininalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P12,240 kasama ng dalawang glass tubes na may hininalang drug residue.
Nahaharap naman sa patong-patong na kaso ang mga naarestong indibidwal.










