
Inanunsyo ngayon ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon na sinibak na sa pwesto ang tatlong security personnel na sangkot sa umano’y tanim-bala sa NAIA Terminal 3 noong Marso 6.
Sa ginanap na press conference, binigyang diin ni Secretary Dizon ang kabilin-bilinan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi aniya pwedeng maghari-harian ang mga nagtatrabaho sa gobyerno.
Paliwanag pa ng kalihim na hindi dapat pinahihirapan, inaabuso at dapat aniya ay pinagsisilban ng mga kawani ng pamahalaan ang mga Pilipino.
Ang naturang desisyon ay kaugnay sa pagharang ng tatlong security personnel sa mag-inang Ruth at Cai Abel na papalipad patungong Vietnam noong Marso 6 kung saan nakita umano ng mga security na may bala ng baril ang kanilang bagahe.
Dagdag pa ni Secretary Dizon, na patuloy na sumasailalim sa imbestigasyon ang insidente sa pangunguna ni Office for Transportation Securiry (OTS) Administrator Gen. Arthur Bisnar.
Hinikayat din ng kalihim ang publiko na isumbong kaagad sa sa kanilang tanggapan kapag mayroon silang naranasan na kahalintulad na insidente upang agad na mabigyan ng kaukulang aksyon.