Nakatakdang makinabang ang mga residente ng ilang barangay sa bayan ng Santo Tomas sa planong paglalagay ng 30 solar-powered streetlights na nagkakahalaga ng halos isang milyong piso.
Ito ay kasunod ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) kaugnay ng pag-endorso ng pondong nagkakahalaga ng ₱995,058.76 para sa naturang proyekto sa ilalim ng Energy Regulations No. 1-94 (ER 1-94) Program.
Pinangunahan nina Mayor Dickerson D. Villar at Vice Mayor Timoteo S. Villar III ang pakikilahok ng lokal na pamahalaan sa paglagda ng kasunduan noong Oktubre 27 sa tanggapan ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) sa San Fernando City, La Union.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng proyekto na mapahusay ang seguridad at kaligtasan ng mga residente, partikular sa mga kalsada at pampublikong lugar na nangangailangan ng sapat na ilaw tuwing gabi.
Inaasahan ding makatutulong ang paggamit ng solar-powered streetlights sa pagtitipid ng kuryente at pagsusulong ng mas makakalikasan at napapanatiling sistema ng pampublikong pag-iilaw.
Sa ngayon, nasa yugto pa lamang ng pag-endorso ng pondo at paglagda sa kasunduan ang proyekto at wala pang kumpirmasyon na nagsimula na ang aktuwal na pag-install. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








