
Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension laban sa limang engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District kaugnay ng umano’y ghost flood control projects na nagkakahalaga ng halos ₱189 milyong.
Sinuspinde nang walang sahod sa loob ng hanggang anim na buwan sina Irene Ontingco, Kevin Geronimo, John Michael Ramos, Bernardo Villafuerte at Michelle Cruz.
Nahaharap ang lima sa mga reklamong Grave Misconduct, Serious Dishonesty at Gross Neglect of Duty.
Kaugnay ito ng tatlong flood control projects sa mga Barangay Piel, San Roque at Sulivan sa Baliuag, Bulacan noong 2024.
Batay sa reklamo, pineke umano ang mga dokumento sa implementasyon, inspeksyon at pagbabayad sa mga proyekto upang palabasing nasunod ang mga kinakailangan sa kontrata at batas.
Ayon sa Ombudsman, ipinag-utos ang suspensyon upang maiwasang maimpluwensyahan ang imbestigasyon o mapakialaman ang mga ebidensya.
Samantala, hindi sinuspinde ang ilan pang respondent dahil sa pagreretiro, pagbibitiw, pagkakahiwalay sa serbisyo o pagkakadetine.
Bukod sa kasong administratibo, nahaharap din ang mga respondent sa mga reklamong kriminal sa Ombudsman.










