
Hiniling ni Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go sa PhilHealth na siguruhing sa taong ito ay mabibigyan ng access sa healthcare services ang lahat ng mga Pilipino sa bansa.
Partikular na pinatututukan ng senador ang access ng mga mahihirap at mga walang pambayad sa serbisyong pangkalusugan na aniya’y dapat isang basic right at hindi pribilehiyo para sa iilan.
Iginiit din ni Go ang mas transparent at episyenteng pagpapatupad ng mga reporma tulad ng pagpapalawak ng benefit packages, pag-alis sa mga anti-poor policy, at pagtaas sa case rates para sa mga critical disease.
Samantala, kinilala naman ng PhilHealth ang matiyagang pagtutok ni Go para sa de-kalidad na healthcare sa bansa.
Binigyang-diin ni PhilHealth President Emmanuel Ledesma kung paanong ang dedikasyon ng senador ay naging motivation ng mga PhilHealth officer upang higit pang pagbutihin at gawing episyente ang kanilang trabaho.
Naging mahalaga aniya ang papel ng mambabatas para matiyak na nagagampanang mabuti ng PhilHealth nang maayos ang kanilang mandato.