Friday, August 14, 2026

AFP, biniberipika na ang ulat na may nasawing Pilipino na lumalaban para sa Russian forces kasunod ng nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine

Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na biniberipika na nila ang ulat na may Pilipinong nasawi na lumalaban para sa Russian forces sa nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, sa ngayon ay hindi pa nila makumpirma o ma-validate ang nasabing impormasyon.

Kahapon ay lumabas sa Facebook post ng Main Directorate of Intelligence of the Ministry of Defence of Ukraine, na kinilala ang nasabing Pilipino sa pangalan umanong Jeric Jumadil Undol.

Ayon sa nasabing post, nakuha ng nasabing Pilipino ang Russian visa nito noong January ngayong taon at dumating sa Moscow noong April kung saan agad ding sinimulan ang proseso nito para makakuha ng kontrata sa nasabing bansa.

Dagdag pa nito, namatay ang nasabing Pilipino noong katapusan ng May sa kasagsagan ng bakbakan sa Ukraine.

Facebook Comments