AFP may payo sa mga kandidatong mangangampanya sa mga Komunidad ng NPA

Pinaalalahanan ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines ang lahat ng kandidato sa May 2019 elections na huwag magbayad sa mga NPA upang makapangampanya at manalo sa halalan.

 

Paalala ni Brigadier General Edgar Arevalo, ang tagapagsalita ng AFP, sa ginanap na forum sa National Press Club sa mga kandidato,  na sa sandaling manalo ay hindi matatapos ang pagbibigay ng salapi sa mga rebelde, kundi simula na iyon nang walang katapusang  pagbibigay ng salapi sa NPA.

 

Kung pupunta aniya ang mga kandidato sa mga komunidad ng mga NPA, humingi lamang ng tulong sa AFP para sa kanilang ilalatag na seguridad.


 

Paliwanag ni Arevalo na hindi maaaring magbigay ng escort sa indibiduwal na kandidato kundi titiyakin lamang ng AFP na ligtas ang mga komunidad na pagdarausan ng pangangampanya.

 

Dagdag pa ni Arevalo na tukoy na nila ang mga lugar na pinaninirahan ng mga NPA ngunit tumanggi muna siyang pangalanan ang mga lugar na ito.

 

Paalala pa ni Arevalo, sakaling may makitang mga polyetos ng mga kandidato sa mga komunidad ng mga rebelde ay agad na ireport sa kanila upang maimbestigahan.

 

Si Arevalo ay pangunahing panauhin sa lingguhang forum ng National Press Club sa Lungsod ng Maynila ngayong umaga.

Facebook Comments