Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang mga agarang hakbang upang matulungan ang mga magbabangus na apektado ng pagkamatay ng mga isda sa Barangay Pugaro at maiwasan ang karagdagang pagkalugi sa kanilang kabuhayan.
Kabilang sa mga hakbang ang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR para sa technical assessment, pagdaragdag ng water pumps, pagbibigay ng relief assistance, paghahanap ng posibleng TUPAD assistance, at paghingi ng tulong para sa fingerlings at fuel subsidy.
Noong Oktubre 13, personal na siniyasat ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, kasama ang BFAR, City Agriculture Office, at Bantay Ilog, ang mga aquaculture area sa mga barangay Lucao, Pantal, at Pugaro.
Ipinag-utos din ang pagkuha ng karagdagang water pumps upang makatulong sa aeration o pagpapataas ng oxygen sa tubig.
Nakikipag-ugnayan naman ang lokal na pamahalaan sa Department of Labor and Employment o DOLE para sa posibleng TUPAD assistance sa mga kwalipikadong apektadong mangingisda.
Bukod dito, humihingi rin ng fingerling assistance sa National Fisheries Development Center at fuel subsidy mula sa pambansang pamahalaan upang makatulong sa gastusin sa pagpapatakbo ng mga water pump.
Pinaigting din ang pagbabantay sa mga pamilihan upang matiyak na hindi maibebenta ang mga bangus na hindi ligtas kainin.
Kasabay ng mga hakbang na ito, nagpapatuloy ang koordinasyon para sa dredging at pagtugon sa mga istrukturang nakahahadlang sa maayos na daloy ng tubig sa mga ilog sa lungsod.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng mga hakbang na maprotektahan ang kabuhayan ng mga magbab angus, maiwasan ang karagdagang pagkalugi, at matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili habang nagpapatuloy ang pagsusuri sa sanhi ng pagkamatay ng mga isda. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










