Mas pinalalakas ng mga tourism official sa Region 1 ang paggamit ng Artificial Intelligence o AI upang mas mailapit sa mas maraming turista ang mga lokal na destinasyon sa rehiyon.

Tampok ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa ikalawang araw ng Region 1 Tourism Summit nitong Setyembre 30, 2026, na may temang “Digital Agenda and Artificial Intelligence to Redesign Tourism.”

Ayon kay Department of Tourism Region 1 Regional Director Benjamin “Bingo” D. Manahan Jr., maaaring gamitin ang AI sa paglikha ng mga video, larawan at iba pang creative content na makatutulong upang mas maipakita ang mga tourist destination at iba pang atraksyon sa Region 1.

Maaari rin itong gamitin sa mga transaksyon at destination booking upang gawing mas episyente ang ilang serbisyo sa turismo.

Para naman kay Maria Luisa A. Elduayan, Provincial Tourism Officer at hepe ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office ng Pangasinan, maaaring makatulong ang AI sa pagtugon sa ilang kakulangan sa sektor ng turismo.

Maaari rin umanong magsilbing tulay ang teknolohiya upang mailipat sa digital platform ang mga tradisyunal na paraan ng pagtataguyod ng turismo at mas makilala ang mga lokal na destinasyon sa labas ng rehiyon.

Inaasahan ding mapapabilis at mapapahusay ng AI ang pagbuo ng tourism products, promotional materials at iba pang transaksyon na may kaugnayan sa sektor.

Gayunman, binigyang-diin ng mga opisyal na kasabay ng paggamit ng makabagong teknolohiya ang responsableng paggamit nito.

Mahalaga umanong tiyaking hindi magagamit ang AI sa panloloko o panlilinlang sa mga turista at iba pang tourism stakeholders.

Sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, layunin ng sektor na gamitin ang AI hindi lamang para maging mas moderno ang turismo, kundi upang mas maipakilala at mapalawak ang abot ng mga destinasyon sa Region 1. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments