Kinilala ang Alaminos City sa Pangasinan bilang isa sa mga lokal na pamahalaang nagtataguyod ng maayos at episyenteng kapaligiran para sa negosyo matapos nitong matanggap ang 2026 Most Business-Friendly Local Government Unit Special Citation Award – City Level 3 Category mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI.
Iginawad ang parangal noong Oktubre 13, 2026, sa The Manila Hotel
Nasungkit ng Alaminos City ang award na ito sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Arth Bryan Celeste.
Tinanggap nina City Planning and Development Coordinator Engr. Eduardo Garcia at Business Permits and Licensing Office Chief Licensing Officer IV Bernald Capitle ang parangal sa ngalan ng alkalde sa awarding ceremony na bahagi ng ika-52 Philippine Business Conference and Expo na ginanap sa The Manila Hotel.
Kabilang sa mga batayan ng pagkilala ang pagsunod ng lungsod sa Ease of Doing Business Law, pagpapanatili ng ISO 9001:2015 certification, at mga hakbang upang mapahusay ang transparency at episyensiya sa paghahatid ng serbisyo.
Binigyang-pansin din ang potensiyal ng Alaminos sa turismo, kalakalan, agrikultura at edukasyon, gayundin ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Kabilang sa mga programang isinusulong ng lungsod ang pagpapalakas ng napapanatiling turismo sa Hundred Islands National Park, pagpapadali ng proseso ng pagkuha at pag-renew ng business permits, at pagbibigay ng suporta at pagsasanay sa mga sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Ang opisyal na nominasyon ng Alaminos City sa taunang paghahanap ng PCCI ay iniendorso ng Western Pangasinan Chamber of Commerce and Industry sa pangunguna ng pangulo nitong si Alexander Ang.
Layunin ng naturang pagkilala na parangalan ang mga lokal na pamahalaang lumilikha ng kondisyong pabor sa paglago ng negosyo at pagsusulong ng napapanatiling pag-unlad ng lokal na ekonomiya.
Ang mga pagkilalang ito ay bahagi ng taunang paghahanap ng PCCI sa mga lokal na pamahalaang nagsusulong ng mahusay na pamamahala, pagpapadali ng pagnenegosyo, digitalization at napapanatiling pag-unlad ng lokal na ekonomiya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








