Mas pinalalakas ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute – Regional Training Center I (DA-ATI RTC I) ang kakayahan ng mga samahan ng magsasaka sa pamamagitan ng pagsasanay sa pagbuo ng Cluster Development Plans (CDPs), na magsisilbing gabay sa pangmatagalang pag-unlad ng kanilang mga organisasyon.
Isinagawa ang ikawalong batch ng limang araw na pagsasanay noong July 13–17, 2026 sa FJA Integrated School Inc. sa Barangay Bantug, Umingan, Pangasinan.
Lumahok dito ang 33 miyembro mula sa 12 rice cluster sa mga bayan ng Umingan at San Quintin.
Sa pamamagitan ng mga lektura, workshop, at praktikal na gawain, nabuo ng mga kalahok ang kani-kanilang Cluster Development Plans na inaasahang magsisilbing malinaw na direksiyon sa pagpapalakas ng kanilang mga samahan, pagtukoy sa mga prayoridad na programa, at pagpapataas ng ani at kakayahang makipagkumpitensya sa merkado.
Bahagi ang pagsasanay ng patuloy na pagpapatupad ng Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP), na naglalayong makabuo ng mas matatag, produktibo, at napapanatiling industriya ng palay sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







