ALAMINOS CITY, PATULOY SA PAGPAPALAKAS NG MGA SERBISYO PARA SA MGA BATA, KABATAAN AT LINGKOD-BAYAN

‎Patuloy ang mga programa at aktibidad ng Lokal na Pamahalaan ng Alaminos City sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Arth Bryan Celeste, na nakatuon sa kapakanan ng mga bata at kabataan, gayundin sa pagpapalakas ng serbisyo-publiko.

‎Isinagawa kamakailan ang Child Development Centers Assessment for Recognition at Exit Conference sa National Child Development Center sa Alaminos City, katuwang ang Early Childhood Care and Development Council at sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office, kasama ang Department of the Interior and Local Government o DILG bilang Co-Chairperson.

‎Layunin ng assessment na matiyak na nakasusunod ang mga Child Development Center sa itinakdang mga pamantayan at patuloy na mapahusay ang kalidad ng serbisyo at pangangalaga para sa mga batang mag-aaral sa komunidad.

‎Dumalo sa aktibidad ang 15 Child Development Workers o CDWs at mga Punong Barangay ng lungsod.

‎Samantala, ipinamalas naman ng mga student-athletes, faculty at staff ng Alaminos City National High School ang kanilang sportsmanship at pagkakaisa sa pagbubukas ng kanilang 2026 Intramurals, bilang paghahanda sa Division Athletic Association Meet na gaganapin sa susunod na linggo.

‎Dumalo sa opening ceremonies si City Councilor Jan Marionne Fontelera na naghatid ng inspirational message ni Mayor Arth Bryan Celeste, na nakatuon sa determinasyon, teamwork, sportsmanship, camaraderie at mga pangarap ng kabataan para sa hinaharap.

‎Kasabay nito, nakikiisa rin ang Pamahalaang Lungsod ng Alaminos sa Philippine Civil Service Commission sa pagdiriwang ngayong Setyembre ng ika-126 na Philippine Civil Service Anniversary.

‎Binibigyang-pugay sa pagdiriwang ang dedikasyon, integridad at malasakit ng mga lingkod-bayan na patuloy na naghahatid ng mahusay at makataong serbisyo sa publiko.

‎Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Arth Bryan Celeste, patuloy na isinusulong ng Alaminos City ang mga programang nagbibigay-pansin sa pagpapaunlad ng mga bata at kabataan, habang kinikilala rin ang mahalagang papel ng mga pampublikong kawani sa paghahatid ng serbisyo sa bawat mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments