
Iginiit ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na imbento, fake news, at kasinungalingan ang alegasyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may House impeachment prosecutors na mayroon umanong budget insertions.
Hamon ni Ridon kay Magalong, pangalanan kung sino ang tinutukoy nitong House prosecutors na mayroon umanong budget insertions.
Paliwanag ni Ridon, ang kasalukuyang ipinatutupad na 2026 General Appropriations Act ay tinanggalan at pinagbawalang malagyan ng congressional insertions.
Ayon kay Ridon, ang Ehekutibo naman ang may lubos na kapangyarihan sa nilalaman ng National Expenditure Program para sa 2027 na isusumite pa lamang ngayong araw sa House of Representatives.
Punto ni Ridon, wala pang ginagawang deliberasyon ang Kongreso para sa 2027 national budget at wala pang pagdinig na ipinapatawag ang House Committee on Appropriations hinggil dito. Kaya paano magkakaroon ng insertions ang mga House prosecutors, at paano sila magkakaroon ng pork barrel?
Naniniwala si Ridon na ang mga alegasyon ni Magalong ay katulad din ng kanyang akusasyon na 67 kongresista ang kasabwat sa flood control scandal, pero kahit isa ay wala siyang napangalanan.










