Tuesday, May 19, 2026

MATINDING INIT SA DAGUPAN CITY, UMABOT SA 44°C ANG HEAT INDEX

Naitala ang 44°C na heat index sa Dagupan City noong Lunes, Mayo 18, ayon sa DOST-PAGASA, na kabilang sa ilalim ng “Danger” classification.

Ayon sa PAGASA, sa ganitong antas ng init ay mataas ang posibilidad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke lalo na sa mga taong matagal na nakabilad sa araw, mga nagtatrabaho sa labas, senior citizens, buntis, at mga bata.

Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration at hangga’t maaari ay iwasan ang direktang pagbabad sa araw partikular mula 10:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.

Inirerekomenda rin ang pagsusuot ng magagaan at preskong damit upang mabawasan ang epekto ng matinding init sa katawan.

Mahigpit ding pinaaalalahanan ang mga magulang at pet owners na huwag iwanan ang mga bata at alagang hayop sa loob ng sasakyan dahil maaari itong magdulot ng panganib sa kanilang kalusugan at buhay.

Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang lagay ng panahon at inaasahang maglalabas pa ng karagdagang paalala kung magpapatuloy ang mataas na heat index sa mga susunod na araw. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments