Wednesday, September 9, 2026

Apat na Japanese National na iniuugnay sa panloloko at pagnanakaw, ipina-deport ng BI

Ipina-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Japanese nationals na iniuugnay sa mga kasong panloloko at pagnanakaw sa Japan.

Ayon sa BI, ang mga pinabalik sa Japan ay sina Oi Riho, 28-anyos at Moriyama Yu, 31-anyos, matapos mapatunayang overstaying, undocumented at idineklarang undesirable aliens.

Iniuugnay rin ang dalawa sa telecommunications fraud, online gaming fraud at isang kidnapping-related scheme.

Kasama ring ipina-deport sina Daisuke Ikeno, 51-anyos at Hamai Daisuke, 53-anyos, na kapwa wanted sa Japan dahil sa kasong theft o pagnanakaw.

Ang apat ay isinakay sa Japan Airlines flight patungong Narita at sinamahan ng mga tauhan ng Japan National Police Agency.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng Bureau sa mga dayuhang law enforcement agencies upang matiyak na hindi magiging kanlungan ng mga pugante at dayuhang lumalabag sa batas ang Pilipinas.

Isinagawa ang deportasyon alinsunod sa umiiral na batas sa imigrasyon ng Pilipinas at sa koordinasyon ng mga awtoridad ng Japan.

Facebook Comments