Wednesday, September 30, 2026

PBBM, pinagtibay ang sistema sa pag-monitor ng gastos ng gobyerno

COURTESY: Presidential Communications Office

Pinatatatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Centralized Open Monitoring Platform for Appropriations and Spending Statistics (COMPASS) Portal para mas madaling masubaybayan ng publiko kung saan napupunta ang pondo ng gobyerno.

Sa ilalim ng Executive Order No. 126, itinakda ang COMPASS bilang pangunahing online platform para sa impormasyon tungkol sa budget, government spending, procurement, programa at proyekto ng pamahalaan.

Inilunsad na ng Department of Budget and Management o DBM ang portal noong Hunyo 26. Maaari itong gamitin ng publiko para hanapin ang gastos ng bawat ahensya ayon sa pinagkukunan ng pondo, paggagamitan at fiscal year.

Maaari ring gamitin ang blockchain at iba pang bagong teknolohiya para mapalakas ang seguridad at pagiging maaasahan ng mga impormasyong inilalagay sa portal.

Inatasan ang mga national government agencies, government-owned corporations at government financial institutions na regular na magsumite at mag-update ng kanilang datos sa COMPASS.

Kasama sa maaaring ilabas ang impormasyon sa financial at implementation status ng mga proyekto, procurement at iba pang datos sa paggamit ng pondo ng bayan.

DBM ang mangunguna sa pagpapatupad ng COMPASS, katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Finance (DOF).

Bubuo rin ng COMPASS Council na susubaybay sa pagpapatupad ng portal at pagsunod ng mga ahensya sa mga itinakdang disclosure requirements.

Maaari namang mapatawan ng administrative at disciplinary sanctions ang mga opisyal o empleyadong hindi susunod sa kautusan.

Hindi kabilang sa ilalabas ang mga impormasyong ipinagbabawal ng batas, gaya ng sensitibong datos na maaaring makaapekto sa national security o lumabag sa Data Privacy Act.

Facebook Comments