BAG INSPECTION SA MGA PAARALAN, PAIIGTINGIN SA DAGUPAN CITY

Mas hihigpitan ng mga awtoridad ang pagsasagawa ng bag inspection sa mga paaralan sa Dagupan City upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at maiwasan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa loob ng campus.

Mas pinahigpit ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City, katuwang ang kapulisan, ang mga hakbang sa seguridad at inspeksyon sa komunidad kasunod ng naganap na insidente ng pamamaril sa Tacloban City.

Isa sa mga pangunahing tinututukan ng mga awtoridad ang Dagupan City National High School (DCNHS), isa sa pinakamalalaking paaralan sa lungsod na may mahigit 5,000 estudyante.

Noong Hunyo 23, nagsagawa ang paaralan ng masusing inspeksyon sa mga estudyante at kanilang mga gamit. Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ang ilang ipinagbabawal na kagamitan kabilang ang mga pocket knife at knuckles.

Ayon sa panyam ng IFM news kay Councilor Atty. Joey Tamayo, lalo pang paiigtingin ng mga awtoridad ang inspeksyon sa mga bag ng mga estudyante sa iba’t ibang paaralan sa lungsod.

Dagdag pa niya, paiigtingin din ang pagbabantay at pakikipag-ugnayan sa mga pamilya at komunidad, lalo na sa mga may kamag-anak na nagmamay-ari ng mga baril, upang matiyak ang responsableng pag-iingat at maiwasan ang anumang insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments