BAGONG RIVER CONTROL PROJECT SA NARVACAN, NASIRA SA RAGASA NG TUBIG

Nasira ang bahagi ng bagong tayong river control project sa Barangay Nanguneg West, Narvacan, Ilocos Sur matapos rumagasa ang malakas na agos ng tubig sa ilog kasunod ng matinding pag-ulan noong Agosto 9.

Batay sa paunang impormasyon, hindi nakayanan ng bahagi ng istruktura ang lakas at volume ng tubig na dumaloy sa ilog kasabay ng patuloy na sama ng panahon sa lalawigan.

May mga lumutang namang pahayag na nasa ilalim pa umano ng konstruksyon ang proyekto nang mangyari ang insidente, dahilan upang magkaroon ng mga tanong kung nakaapekto ang kasalukuyang estado ng konstruksyon sa pagkasira nito.

May ilan ding nagsasabing posibleng hindi pa ganap na cured ang kongkreto nang tamaan ng malakas na agos. Gayunman, wala pang inilalabas na opisyal na engineering assessment na nagpapatunay na ito ang dahilan ng pagkasira ng river control.

Inaasahang mahalagang matukoy sa technical inspection kung ang insidente ay dulot lamang ng tindi ng agos ng tubig, kondisyon ng kasalukuyang konstruksyon, o kung may iba pang structural at engineering factors na dapat suriin.

Samantala, nagsasagawa ng paghuhukay ang lokal na pamahalaan para makagawa ng pansamantalang diversion channel.

Layunin nitong mailihis ang bahagi ng daloy ng tubig at mabawasan ang pressure sa natitirang river control structure upang maiwasan ang posibleng karagdagang pagkasira.

Patuloy ding minomonitor ng mga kinauukulan ang kondisyon ng lugar at iba pang epekto ng malakas na pag-ulan sa Ilocos Sur.

Hinihintay naman ang opisyal na assessment ng kinauukulang ahensya kaugnay ng lawak ng pinsala, aktuwal na estado ng proyekto nang mangyari ang insidente, at kung anong pagkukumpuni o intervention ang kinakailangan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments