Umabot sa mahigit ₱1.6 milyon ang tinatayang halaga ng hinihinalang shabu na nasamsam ng pulisya sa magkakasunod na anti-illegal drug operations sa Ilocos Region sa loob lamang ng isang linggo.
Batay sa datos ng Police Regional Office 1 (PRO 1), nasa 235.77 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,603,356 ang nakumpiska sa 18 anti-illegal drug operations na isinagawa mula Agosto 1 hanggang 7.
Nagresulta rin ang mga operasyon sa pagkakaaresto sa 17 indibidwal.
Malaking bahagi ng kabuuang drug haul ay nagmula sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Pozorrubio at Calasiao, Pangasinan noong Agosto 5 at 6.
Sa dalawang operasyon lamang, umabot sa 156.38 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,063,384 ang nasamsam.
Sa Pozorrubio, isang residente ng Laoac ang naaresto matapos umanong makuhanan ng humigit-kumulang 92 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱625,600. Itinuturing ng pulisya ang suspek bilang street-level individual.
Sa Calasiao naman, isang tricycle driver na ikinategorya ng pulisya bilang high-value individual ang naaresto matapos umanong bentahan ng hinihinalang shabu ang isang police poseur-buyer.
Nakuha umano sa suspek ang humigit-kumulang 64.38 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱437,784.
Ibig sabihin, mahigit ₱1 milyon sa ₱1.6 milyong kabuuang halaga ng hinihinalang shabu na nasamsam sa Region 1 sa naturang linggo ay mula sa dalawang operasyon sa Pangasinan.
Ayon kay PRO 1 Regional Director PBGEN Jovencio S. Badua Jr., patuloy na paiigtingin ang intelligence-driven operations laban sa ilegal na droga upang mapigilan ang distribusyon nito sa mga komunidad.
Nahaharap naman sa mga kaukulang reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naaresto. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










