Sabay-sabay na nagsagawa ng Nationwide Simultaneous School Safety Drill ang iba’t ibang paaralan sa Pangasinan nitong September 3 bilang paghahanda sa mga posibleng emergency at security threats sa loob ng mga paaralan.
Sa Urdaneta City, kabilang ang Calegu Integrated School sa nagsagawa ng Active Attack Drill katuwang ang Urdaneta City Police Station at Bureau of Fire Protection o BFP.
Binigyan ang mga mag-aaral at school personnel ng safety awareness lecture, kabilang ang tamang pagtugon sakaling magkaroon ng aktuwal na banta. Tinalakay din ang RUN–ALERT–SECURE/HIDE–INFORM o RASI procedure.
Nagsagawa rin ang BFP ng first aid lecture at demonstration bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng emergency.
Sa Umingan, nagsagawa rin ng active attack simulation drills sa iba’t ibang paaralan katuwang ang Umingan Police Station.
Layunin nitong sanayin ang mga mag-aaral, guro at iba pang school personnel sa mabilis at koordinadong pagtugon sa mga posibleng banta at emergency situation.
Isinagawa rin ang School Safety Drill sa Sto. Tomas National High School sa San Nicolas, kung saan nakibahagi ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, educators at community stakeholders.
Sa San Fabian, kabilang naman ang Anonang National High School sa mga lumahok sa aktibidad, katuwang ang San Fabian Municipal Police Station.
Lumahok din sa nationwide drill ang San Roque Integrated School, Diaz Elementary School at iba pang paaralan sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng sabayang drills, layong masanay ang buong school community sa mga hakbang na dapat gawin sa oras ng emergency at mapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, law enforcement agencies at emergency responders.
Binigyang-diin din sa aktibidad na hindi lamang mga guro at awtoridad ang may papel sa school safety, kundi mahalaga rin ang kaalaman at kahandaan ng mga mag-aaral at ng buong komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










