Ayon sa monitoring ng Tayug Municipal Government, nasira rin ang ilan sa mga suportang isinagawa kamakailan sa naturang bahagi ng dike, kabilang ang sandbagging, bunsod ng patuloy na pagragasa ng tubig.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang lugar dahil sa walang tigil na malakas na agos ng ilog.
Nagbabala ang mga kinauukulan na maaaring umapaw ang tubig patungo sa mga kalupaan at kalapit na komunidad sakaling magpatuloy ang pag-ulan at muling tumaas ang lebel ng Ambayaoan River.
Dahil dito, muling hinikayat ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog at dike na lumikas habang may sapat pang oras at huwag nang hintaying magkaroon ng pagbaha bago kumilos.
Mahigpit din na ipinagbabawal ang paglapit o pananatili ng mga residente sa bahagi ng sirang dike, lalo na ang mga bata, dahil sa panganib na dulot ng kondisyon nito.
Samantala, nagpapatuloy ang water rechanneling operation sa Ambayaoan River upang mabawasan ang lakas ng agos ng tubig matapos bumigay ang bahagi ng dike.
Batay sa update ng LGU Tayug nitong Agosto 31, gumagamit na ng mga backhoe ang mga awtoridad para sa naturang operasyon.
Kabilang sa mga posibleng maapektuhan sakaling umapaw ang tubig ang Purok 5, 6 at 7 ng Barangay Legaspi, pati ang mga kalapit na Barangay Amistad at Agno.
Samantala, nakikipag-ugnayan ang LGU Tayug at ang tanggapan ng isang Congresswoman sa national government para sa pagtatayo ng permanenteng river protection works na sasaklaw mula Sobol, San Nicolas hanggang Legaspi, Tayug.
Patuloy namang hinihikayat ang mga residenteng nasa mga lugar na posibleng maapektuhan na manatiling alerto at sumunod sa abiso ng mga awtoridad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣



