Ayon sa provincial government, hindi lamang deklarasyon ang State of Calamity dahil nagbubukas ito ng ilang mekanismo upang mapabilis ang disaster response, pagpapalabas ng pondo at paghahatid ng kinakailangang tulong sa mga apektadong residente.
Isa sa mga binigyang-diin ay ang price freeze sa mga pangunahing bilihin. Layunin nitong maprotektahan ang mga mamimili laban sa hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan habang umiiral ang epekto ng kalamidad.
Ipinaliwanag din ng provincial government na maaaring magkaroon ng emergency at calamity loan programs para sa mga kwalipikadong benepisyaryo, alinsunod sa mga patakaran at requirements ng mga ahensyang nagbibigay ng naturang pautang.
Mahalaga rin umano ang deklarasyon upang mapabilis ang pag-release at paggamit ng emergency funds ng mga lokal na pamahalaan at kaukulang ahensya. Sa pamamagitan nito, mas mabilis na matutugunan ang pangangailangan para sa relief assistance, rescue at iba pang disaster-response operations.
Kasama rin sa mga hakbang ang pagbibigay ng tulong sa mga sektor na direktang naapektuhan ng kalamidad, depende sa magiging assessment ng pinsala at sa mga programang ipatutupad ng pamahalaan.
Sa pagpapaliwanag ng provincial government, layunin nitong maunawaan ng mga Pangasinense kung bakit mahalaga ang pagdedeklara ng State of Calamity at kung paano nito pinabibilis ang pagkilos ng pamahalaan para sa kaligtasan, agarang pangangailangan at kapakanan ng mga mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






