BAHAY, NATUPOK NG APOY SA BAYAN NG BANGA

Banga, Aklan – Tupok ang isang bahay matapos na masunog kaninang mga bandang alas 11:00 ng umaga sa Brgy. Venturanza, Banga, Aklan. Ayon kay FO2 Jan Kit Pedrosa ng BFP-Banga na ang nasabing bahay ay pagmamay-ari ni Jo Alex Eleserio, 24-anyos ng nasabing lugar. Lumalabas sa kanilang imbestigasyon na base sa mga witness ay nakita nilang umaapoy ang kable ng kuryente nito sa loob ng bahay. Agad silang tumawag sa Banga PNP kung saan tumawag rin ito sa BFP Banga na agad namang nagresponde sa lugar pero hindi na ito naisalba pa dahil sa mabilis na kumalat ang apoy gayong gawa lamang ito sa light materials. Wala ring tao ang bahay nang masunog ito dahil ayon sa tatay ni Eleserio ay may dalawang linggo na ang kanyang anak na nasa Boracay nagtatrabaho at pinupuntahan niya lamang ang bahay para bisitahin at buksan ang ilaw pag gabi. Posibleng sa linya ng kuryente nagmula ang apoy na pinagmulan ng sunog pero nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng BFP – Banga dito. Tinatayang nasa P 20, 052.00 ang inisyal na pinsalang iniwan ng nasabing sunog.
Facebook Comments