Barangay Kapitan at 2 Indibidwal, Ligtas sa Pamamaril ng Riding-in-Tandem

23
Cauayan City, Isabela- Maswerteng walang tama ng bala ng baril ang kapitan ng barangay at dalawang kasamahan nito matapos pagbabarilin sa isang intersection na sakop ng Brgy. Tungel-Brgy. San Jose, Baggao, Cagayan kahapon, May 29, 2022.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Cagayan Police Provincial Office, dakong alas-4:00 ng hapon ng maganap ang insidente ng pamamaril kung saan ang mga biktima ay sina Barangay Captain Bonifacio Caliguiran Cuarteros, 69 taong gulang, may asawa; Henry Kenao Bulliig, 51 taong gulang, may asawa, magsasaka; at Edmundo Cabiao Sambo, may asawa, isang Brgy. Tanod; pawang mga residente ng Brgy. Nanguilattan, Peñablanca, Cagayan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi noon mula sa Baggao Cockpit Arena sa Brgy. San Isidro, Baggao, Cagayan sakay ang mga biktima ng isang Isuzu Bighorn na pag-aari ni Barangay Captain Cuarteros ng isang riding in-tandem sa kanilang likuran ang makailang beses na nagpaputok ng baril patungo sa sinasakyan ng mga biktima at maswerteng walang tinamong anumang sugat ang mga biktima.

Nagsagawa ng ocular investigation ang mga rumespondeng tauhan ng Baggao Police Station sa lugar ng insidente at narekober ang limang piraso ng basyo ng hindi pa malamang kalibre.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente habang patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek na nakasuot ng itim na jacket at itim na bonnet sakay ng isang walang plakang motorsiklo na Yamaha Mio.

Facebook Comments