
Itataas sa red alert ang Visayas Grid mamayang alas-5:00 hanggang alas-6:00 ng gabi.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP, magkakaroon din ng yellow alert mula alas-2:00 hanggang alas-5:00 ng hapon at muli mula alas-6:00 hanggang alas-8:00 ng gabi.
Kabilang sa mga dahilan ng pagdedeklara ng red at yellow alert ang hindi pag-operate ng malalaking coal-fired power plants na TVI 1, TVI 2, at KSPC 1, gayundin ang limitadong suplay ng kuryente mula Mindanao dahil sa planadong maintenance ng GNPK 4 at TSI 2.
May 10 planta ang naka-forced outage ngayong Oktubre, habang 18 planta naman ang tumatakbo sa derated capacity.
Ang red alert ay nangangahulugang kulang ang suplay ng kuryente upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at ng transmission grid habang ang yellow alert ay nangangahulugang manipis ang reserbang kuryente para sa contingency requirements ng grid.










