BAYAMBANG, NAGPATUPAD NG PANSAMANTALANG RESTRIKSYON SA PAGLABAS-PASOK NG BUHAY NA BABOY AT PORK PRODUCTS

Nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng Bayambang ng pansamantalang restriksyon sa pagpasok at paglabas ng mga buhay na baboy at pork products bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever o ASF.

Sa ilalim ng Executive Order No. 156, Series of 2026, ipatutupad ang temporary movement restriction sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng kautusan, maliban kung ito ay mas maagang i-lift, amyendahan, palawigin o bawiin.

Sakop ng pagbabawal ang mga buhay na baboy gayundin ang sariwa at frozen na karne ng baboy na papasok o lalabas ng Bayambang.

Gayunman, maaari pa ring payagan ang ilang shipment o movement kung makasusunod sa mga itinakdang requirements ng Department of Agriculture at Bureau of Animal Industry.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng kumpletong permit, certificate at clearance, gayundin ang pagdaan sa ASF inspection at quarantine checkpoints.

Magtatalaga rin ang lokal na pamahalaan ng mga ASF Inspection and Quarantine Checkpoints sa mga strategic entry at exit points ng bayan upang higpitan ang monitoring sa paggalaw ng baboy at pork products.

Sasailalim din sa inspeksyon at monitoring ang commercial at backyard swine farms, meat processors, supermarkets, pamilihan, slaughterhouses, food establishments at iba pang pasilidad na may kaugnayan sa paghawak, pagbibiyahe, pagbebenta, pagproseso at pag-iimbak ng baboy at pork products.

Samantala, pinaalalahanan ang mga hog raiser na mahigpit na ipinagbabawal ang swill feeding o pagpapakain sa mga baboy ng untreated food waste, kitchen waste at mga tirang pagkain.

Hinikayat naman ng lokal na pamahalaan ang lahat ng sektor na panatilihin ang wastong biosecurity, kumpletuhin ang mga kinakailangang dokumento at makipagtulungan sa mga checkpoint at awtoridad.

Agad ding dapat ireport ang mga pinaghihinalaang kaso ng ASF at anumang paglabag sa ipinatutupad na movement restriction. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments