
CAUAYAN CITY – Nadakip ang isang lalaking sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operasyon sa Purok tres, Christine Village, Barangay Bagahabag, Solano, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang suspek na si alyas “Edgar”, bente otso -anyos, walang asawa, at residente ng Barangay Tucal, Solano sa nabanggit rin na lalawigan.
Sa ulat ng kapulisan, naaresto ang suspek matapos nitong bentahan ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap bilang poseur buyer.
Ang operasyon ay pinangunahan ng mga operatiba ng Municipal Drug Enforcement Unit (MDEU) ng Solano Police Station katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 02, kung saan nakumpiska mula sa suspek ang isang pirasong plastic sachet na naglaaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.16 grams, buy-bust money na nagkakahalaga ng P1,000, at iba pang non-drug paraphernalia.
Dinala sa himpilan ng Solano Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon, at mahaharap ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.