BI Commissioner Viado, inulan ng reklamo

Sa gitna ng nagpapatuloy na isyu sa Bureau of Immigration (BI), ilang mabibigat na alegasyon ang kinakaharap ngayon ni Commissioner Joel Anthony Viado.

Batay sa apat na pahinang sulat na may petsang June 13, sinabi ni Atty. Gilberto Repizo, Executive Chairman ng Board of Special Inquiry, na mayroong sistematikong problema sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan.

Ilan sa ibinabatong alegasyon kay Viado ang umano’y sadyang pag-delay sa deportation cases, pagbibigay pabor sa mga taong may koneksiyon at pagsasawalang kibo sa mga katiwalian.

Nagkaroon din umano ng P30 million na suhulan para sa mabilis na pagpapalaya sa tatlong Chinese national na sangkot sa illegal offshore gaming na saglit lamang ang naging proseso.

Habang ibinunyag pa ng opisyal na hindi agad inaksyunan ang ilang deportation orders para sa mga kontrobersiyal na dayuhan gaya nina Yang Jianxin o Antonio Lim, at ang umano’y magkapatid na sina dating Bamban Mayor Alice Guo at Shiela Guo.

Marso pa raw kasi nasa opisina ni Viado ang kaso ni Yang habang Enero pa ang deportation orders sa magkapatid na Guo.

Ang kaso ni Yang aniya ay matagal nang nasa opisina ni Viado mula pa noong March 25, habang ang kina Guo at Shiela naman ay may mga deportation orders na noon pang January pero hindi pa rin naipapatupad hanggang ngayon.

Tinawag naman ni Repizo na “kangaroo fact-finding committee” ang binuong mag-iimbestiga sa mga katiwalian sa ahensiya dahil pawang mga kaalyado rin ito ni Viado.

Naka-address kay Viado ang liham noon na ipinadala din ang kopya sa Office of the Executive Secretary at kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Wala pang pahayag si Viado hinggil sa mga ibinabato sa kaniya.

Facebook Comments