Biglaang pag-atake ng US sa Iran, hindi pa sapat na basehan para itaas sa Alert Level 4 ang status ng dalawang bansa —DFA

Hindi pa sapat na basehan ang ginawang pag-atake ng Estados Unidos sa bansang Iran para itaas sa alert level 4 ang alert level status sa dalawang bansa.

Sa personal message ng DZXL News, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na wala pa naman umanong total breakdown na nangyayari para itaas ang alert level.

Aniya, bukas pa rin naman ang mga establisyemento sa Tehran at marami na ulit ang mga sasakyan sa mga daanan.

Indikasyon umano nito na bumabalik na ang mga tao sa Iran kahit pa umatake itong United States.

Nakatatanggap na rin umano ang Embahada ng visa applicants mula sa Iranian nationals at mga Filipino na kinakasama nito.

Una nang sinabi ng DFA na walang nadamay na Pinoy sa Isfahan—Natanz at mga kalapit na lugar kasunod ng pinakawalang air strike ng US.

Sa ngayon, nakataas pa rin sa alert level 3 ang status ng Israel at Iran, kung saan boluntaryo na ang repatriation para sa mga Pinoy na apektado nang nagpapatuloy na tensyon.

Facebook Comments