
Hawak na ngayon ng mga awtoridad ang isang Pakistani national na nahuli sa Barangay Tiguma, Lungsod ng Pagadian, Zamboanga del Sur dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Laws.
Kinilala ang naturang banyaga na si Sajjad Khan, 31-year old.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado, pinagbawalan na ang banyagang ito makapasok sa bansa mula pa noong 2016.
Inamin umano nito na pumasok siya sa Pilipinas gamit ang bangka, na karaniwang tinatawag na “backdoor”na paglabag sa Section 37(a)(1) ng Philippine Immigration Act of 1940, dahil sa iligal na pagpasok at pagiging undocumented alien.
Samantala, kasalukuyan namang nasa Bureau of Immigration Warden Facility (BIWF) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang banyaga habang hinihintay pa ang kanyang deportation proceedings.