
Patuloy na tumataas ang bilang ng mga apektadong pamilya o indibidwal ng hanging habagat at mga nagdaang Bagyong Luis, Maymay, at Neneng sa 11 rehiyon sa bansa.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Social Welfare and Development o DSWD – Disaster Response Management (DSWD-DRM) alas-sais ng umaga ngayong Lunes, August 31, mula sa 8.60 million inidbidwal ay sumampa na sa 8.83 million indibidwal ang naapektuhan ng nasabing mga kalamidad at habagat.
Mula ito sa 6,130 barangay sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Eastern at Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Samantala, bukas naman ang 1,365 evacuation centers sa mga rehiyon na pansamantalang tinutuluyan ng 164,475 evacuaees habang 83,754 katao naman ang nasa labas ng evacuation centers na pansamantalang nanunuluyan sa mga kakilala, kaibigan, o kaanak.
Sa ngayon, patuloy ang pamamahagi ng tulong ng ahensya sa mga apektadong pamilya ng nasabing mga kalamidad kung saan umabot na sa P1.6 billion ang humanitarian assistance na naipamahagi ng ahensya habang may naka-standby naman silang P5.9 billion na resources.










