
Nilinaw at pinabulaanan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang mga lumalabas sa social media na overpriced umano ang ipinamamahagi nilang relief goods.
Giit ng ahensya, nasa ₱797.80 lamang ang tunay na halaga ng bawat Family Food Pack at hindi ₱1,503.84.
Paliwanag ng ahensya, matapos aniya ang ginawang competitive bidding, ang kumpanyang 2Go Global International Corporation ang pinal na idineklarang panalo matapos mag-alok ng pinakamababang presyo na ₱797.80 bawat kahon.
Kasama na sa presyong ito ang packaging materials gaya ng regular slotted carton, vacuum rice bag, packaging tape, at stretch film, pati na rin ang delivery cost at manpower.
Naglalaman ang bawat pack ng:
Anim na kilo ng vacuum-packed na bigas
Apat na lata ng corned beef
Apat na lata ng tuna
Dalawang lata ng sardines
Limang sachets ng 3-in-1 coffee
At limang sachets ng powdered choco malt drink
Muling tiniyak ng DSWD na magiging transparent sila sa lahat ng transaksyon at pwedeng suriin ng publiko ang kumpletong bidding documents sa kanilang opisyal na procurement portal.










