
Nagdaos ang mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) ng security briefing sa Kampo Krame.
Sa nasabing pulong, napag-usapan ang peace and order situation sa bansa gayundin ang loopholes o butas sa pambansang seguridad at ang posibleng pagbabago sa classification sa ilang lugar dahil sa mga naitalang karahasan nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, pupwedeng mabago ang bilang ng mga lugar na nasa ilalim ng areas of concern.
Hindi pa nga lang niya ito masabi sa ngayon kung bumaba o tumaas dahil patuloy pa nilang hinihintay ang report ng anim na lalawigan kasama ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Aniya, kinakailangan pa kasing aprubahan ang report mula sa municipal, provincial, regional atsaka pa lamang ito isusumite sa National Joint Security Command Center.
Kasunod nito, sinabi ni Garcia na ipinag-utos na ni PNP Deputy Chief for Administration PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., na agad isumite ng anim na rehiyon ang report upang malaman ang tunay na kalagayan ng bansa lalo pa’t 70 araw na lamang ay sasapit na ang 2025 midterm elections.