Gas and oil exploration sa WPS, dapat isagawa lang ng Pilipinas at huwag isama ang China

Mariing tinutulan ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang anumang plano ng gobyerno para sa joint Philippines-China oil and gas exploration sa West Philippine Sea (WPS).

Reaksyon ito ni Rodriguez sa napaulat na pahayag ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na bukas ang ating bansa para sa joint exploration activities katuwang ang China.

Diin ni Rodriguez, hindi dapat ikompromiso sa naturang aktibidad sa soberenya ng Pilipinas lalo’t hindi pa rin kinikilala ng China ang ating exclusive economic zone sa WPS.

Pinaalala rin ni Rodriguez ang deklarasyon ng Supreme Court na labag sa Konstitusyon ang 2005 Joint Marine Seismic Undertaking na nilagdaan ng gobyerno sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kasama ang China at Vietnam.

Bunsod nito ay iginiit ni Rodriguez sa Department of Energy na huwag ng ikonsidera pa ang China at sa halip ay pahintulutan o bigyan ng go signal ang mga Pilipinong kompanya na magsimula ng exploration sa Reed Bank.

Facebook Comments