Pinangunahan ng Municipal Agriculture Office ang distribusyon ng Humi-N at Folimac sa mga magsasakang kabilang sa Hybrid at RCEF Rice Seed Beneficiaries sa iba’t ibang barangay ng bayan.
Isinagawa ang unang bahagi ng pamamahagi noong Agosto 18, na saklaw ang mga barangay ng Leet, Erfe, Banzal, Banaoang, Tuliao, Alibago, Dalongue, Tebag East at West, at Minien East at West.
Sinundan ito ng distribusyon noong Agosto 19 para sa mga magsasaka mula sa Gueguesangen, Nilombot, Maronong, Sapang, Poblacion Sur, Poblacion Norte, Patayak, Balingueo, Maningding at Maticmatic.
Nakatakda rin ang mga susunod na schedule ng pamamahagi ng kaparehong bio-fertilizers sa iba pang barangay ng Sta. Barbara.
Bahagi ang pamamahagi ng pagsusulong ng sustainable farming at pagbibigay ng de-kalidad na agricultural inputs upang makatulong sa pagpapabuti ng produksyon ng mga magsasaka.
Samantala, nakatanggap din ng inorganic fertilizer o urea ang mga tobacco farmer ng bayan na pinondohan mula sa Tobacco Excise Tax, na inaasahang makatutulong upang mabawasan ang kanilang gastusin sa produksyon.
Sa kasalukuyan, ayon sa inisyal na tala ng Office of the Civil Defense Region 1, isa ang sektor ng agrikultura sa napinsala rin ng nagdaang sama ng panahon kung saan libo-libong magsasaka mula sa apat na probinsya ng rehiyon ang kapos ngayon sa kita at naapektuhan ang pagtatanim bilang kabuhayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









