Monday, July 6, 2026

BIR box, ibinalik sa BIR; AMLC records ni VPSD, dapat na matalakay sa Impeachment Court

Ibinalik ng Senate Impeachment Court ang BIR box sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte (VPSD) at Atty. Mans Carpio.

Paliwanag ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero, walang lawful order mula sa korte para mai-turn over sa Senado ang naturang selyadong kahon at hindi pa naman ito ini-offer bilang ebidensya at hindi pa rin namamarkahan.

Sinabi ni Escudero na hihintayin ng Impeachment Court kung may mosyon na ihahain ang alinman sa prosekusyon o depensa para sa pag-iisyu ng subpoena ng naturang BIR box.

Samantala, iginiit naman ni Escudero na dapat talakayin sa harap ng publiko ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) records ni VP Sara.

Ito ay matapos tanungin ni Senator-judge Erwin Tulfo kung maaari bang talakayin ang AMLC records ng bise presidente sa executive session dahil sa Bank Secrecy Law.

Giit ni Escudero, dapat na iprisinta ito ng magkabilang panig sa Impeachment Court at hindi sa executive session at ang desisyon kung isasapubliko ito ay ibabatay sa ilalatag na oral arguments ng prosekusyon at depensa.

Samantala, pumayag naman ang ilang senator-judge sa mosyon ni Senator-judge Alan Peter Cayetano na payagan sina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta na mag-obserba at makilahok sa diskusyon ng impeachment trial.

Kaugnay ng pagpapatuloy ng paglilitis bukas, uumpisahan ng prosekusyon na isalang at talakayin ang Article 4 o ang pag-amin ni VP Sara na may kinausap siyang hitman para ipapatay sina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari umano sa kanya.

Susundan ito ng Article 1 o ang hindi tamang paggamit ng confidential funds, Article 3 bribery at corruption sa mga Department of Education (DepEd) officials at at Article 2 o ang pagkamal ng hindi maipaliwanag na yaman.

Facebook Comments