Hanggang Disyembre 31, 2026 na lamang pinapayagang magpatuloy ang mga kasalukuyang poultry at egg-laying establishment sa Bolinao, Pangasinan, sa ilalim ng Executive Order No. 43, Series of 2026.
Layunin ng kautusan na tugunan ang mga concern kaugnay ng poultry operations, kasabay ng pagbibigay-halaga sa kapakanan ng mga residente at pangangalaga sa turismo ng bayan.
Ayon kay Bolinao Mayor Jesus “Boying” Celeste, matagal nang concern ng lokal na pamahalaan ang epekto umano ng poultry operations sa turismo.
Pagsapit ng Enero 1, 2027, ipatutupad ang moratorium sa pagtatayo, pagpapalawak at pagsisimula ng operasyon ng poultry at egg-laying farms. Suspendido rin ang pagproseso at pag-isyu ng mga bagong local permit para sa mga naturang operasyon.
Humingi naman ng pang-unawa si Celeste sa mga poultry operator na matagal nang nasa industriya, ngunit iginiit ang pangangailangang isaalang-alang ang kapakanan ng mga residente at mga turistang bumibisita sa Bolinao.
Habang pinapayagan pang mag-operate ang mga existing establishment hanggang Disyembre 31, obligado silang sumunod sa environmental, sanitation, waste management, animal health at iba pang regulatory requirements.
Inatasan din ang mga kinauukulang tanggapan ng munisipyo na magsagawa ng inspeksyon at monitoring upang matiyak ang pagsunod sa kautusan.
Nilagdaan ang Executive Order No. 43 noong Hulyo 24, 2026 at mananatili ang moratorium hanggang magkaroon ng kaukulang municipal ordinance o hanggang amyendahan, bawiin o alisin ang kautusan.
Sa hakbang na ito, target ng lokal na pamahalaan na mapangalagaan ang kapakanan ng mga residente at mapanatili ang Bolinao bilang maayos na destinasyon para sa mga turistang bumibisita sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










