Sa Calasiao, lumampas na sa critical level ang Marusay-Sinucalan River, dahilan para patuloy na tumaas ang tubig-baha sa ilang komunidad.
Sa Barangay Lasip, umabot ang baha sa Sentro Kalye Pogi, kabilang ang harapan ng barangay hall. Tinatayang 60 bahay ang maaaring napasok na ng tubig, ayon kay Barangay Captain Dante Fernandez.
Apektado rin ang ilang purok sa Barangay Mancup, kabilang ang Habagat Road na hindi na passable sa ilang bahagi. Sa Barangay Longos, Sitio Casintak, umabot na sa unang palapag ng ilang bahay ang baha at maaari pang lumalim kung magpapatuloy ang pag-ulan.
Nakapagtala rin ng pagbaha sa ilang lugar at paaralan sa Mancup, Nalsian, Bacayao, Balani, Parongking, Ambonao, Dinalaoan, Ambuetel, Nagsaing, Doyong Centro at CCNHS, habang nananatili sa red alert status ang MDRRMC Calasiao.
Samantala, naiulat din ang pagbaha sa mga barangay ng Maniboc, Lingayen; Linoc at Buenlag, Binmaley; Bongalon Highway sa Labrador; Tanaytay, Alaminos City; Sumabnit, Binalonan; at Pampano, Mangatarem.
Kasabay nito, nagpakawala rin ng tubig ang Ambuklao at Binga dams sa Benguet matapos umabot malapit sa normal high-water level ang kanilang reservoirs dahil sa patuloy na pag-ulan.
Gayunman, sa pinakahuling monitoring ng San Roque Dam sa Pangasinan, wala pang nakabukas na spillway gate. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








