Pinaiigting ng Barangay Pantal sa Dagupan City ang seguridad sa lugar kasunod ng mga naitalang insidente ng pagkawala at pagnanakaw ng mga sasakyan, kabilang ang mga tricycle at motorsiklo.
Ayon kay Chief Tanod Orlando F. Flores sa panayam ng IFM News Dagupan, may mga CCTV camera sa ilang bahagi ng barangay at palabas ng lugar na ginagamit sa pagsubaybay sa mga kaganapan at pagtulong sa pagkilala sa mga sangkot sa mga insidente.
Gayunman, isa umano sa mga hamon sa pagtukoy sa mga suspek ang paggamit ng helmet ng ilan sa mga ito, kaya nagiging mahirap ang pagkilala sa kanilang mga mukha batay sa CCTV footage.
May mga kaso na umanong nalutas habang mayroon ding hindi pa nalulutas na insidente ng pagkawala ng mga sasakyan at ilang bahagi nito sa lugar.
Dahil dito, pinapayuhan ng barangay ang mga residente na maging maingat sa kanilang mga ari-arian at agad na lumapit sa barangay sakaling mawalan ng sasakyan upang maisagawa ang kinakailangang aksyon.
Hinimok din ang mga residente na maayos na iparada ang kanilang mga sasakyan at huwag harangan ang mga kalsada upang hindi maabala ang daloy ng trapiko at hindi mahirapan ang mga sasakyang dumaraan at lumiliko.
Patuloy naman ang paalala ng barangay sa publiko na maging mapagmatyag at agad ireport sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang kilos o insidente sa kanilang lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







