Binigyang-diin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang papel ng mga mamamayan sa pagtukoy ng mga imprastrakturang nangangailangan ng agarang aksyon matapos niyang inspeksyunin ang kasalukuyang konstruksyon ng Arzadon Road sa Brgy. Mayombo, Dagupan City nitong Hunyo 16.
Sa kanyang pagbisita kasama si Mayor Belen T. Fernandez, binanggit ni Dizon ang isang concerned citizen na nagbahagi umano ng reklamo sa social media kaugnay ng kondisyon ng naturang kalsada.
Ibinahagi naman ni Mang Alberto, isa sa mga residente ng Arzadon Compound, na halos 20 taon na umano nilang nararanasan ang pagbaha sa ilang bahagi ng kalsada kung saan umaabot hanggang tuhod ang tubig tuwing malalakas ang pag-ulan.
Sa kasalukuyan, isinasagawa na ng DPWH ang road construction sa lugar at target itong makumpleto ngayong Hunyo.
Nagpasalamat din ang alkalde ng lungsod sa ahensya para sa agarang pagtugon sa matagal nang suliranin ng mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








