Saturday, October 24, 2026

BSP, nagtakda ng ₱1-B capital requirement sa ilang bangko na lilipat sa digital banking

Nagtakda ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng ₱1 billion na minimum capital requirement para sa mga bangko na lilipat sa digital banking business model.

Kabilang dito ang mga thrift, rural at cooperative bank.

Sa ilalim ng BSP Circular No. 1240, kailangang makasunod sa requirement sa loob ng anim na buwan ang mga bangko na nagpapatakbo ng business model na gaya ng sa digital bank.

Saklaw din nito ang mga bangkong gumagamit ng digital platforms sa kanilang serbisyo at nakakaranas ng malaking paglago sa kanilang loans o deposits.

Maaari ring magpatupad ang BSP ng mas mahigpit na reporting, paglimita sa ilang digital products at services at mas pinaigting na risk management at control systems.

Samantala, para naman sa bibilhing thrift, rural o cooperative bank para gawing digital ang operasyon ay kailangan na itong may isang bilyong pisong capital sa oras ng aplikasyon.

Kailangan din nitong sumunod sa mga standards na ipinapatupad sa digital banks.

Pinapayagan naman ng BSP ang conversion ng mga kasalukuyang na thrift, rural at cooperative bank para maging digital bank alinsunod sa kanilang licensing requirements.

Titingnan din ng BSP ang kahandaan ng bangko, sistema at management, gayundin ang business model at resources.

Nasa pito ang kasalukuyang licensed digital banks sa bansa.

Facebook Comments