Buong bansa, dapat handa sa lindol —OCD

Iginiit ng Office of Civil Defense (OCD) na hindi lamang ang Metro Manila ang dapat maghanda sa banta ng lindol, kung hindi ang buong bansa.

Sa ginanap na ceremonial pressing of the button para sa 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong araw sa Dipolog City, sinabi ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na bahagi ng estratehiya ng kanilang ahensya ang pagsasagawa ng malawakang earthquake drills sa labas ng National Capital Region.

Aniya, layon nitong masanay ang mga kababayan natin sa mga probinsya na harapin ang posibleng pagtama ng malalakas na lindol.

Sinabi ni Nepomuceno na batay sa datos ng PHIVOLCS, mayroong anim na aktibong trenches at 174 fault systems sa buong bansa kung saan tumama na ang ilang malalakas na lindol sa Abra sa Luzon, Bohol sa Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao tulad ng Davao at Cotabato na patunay na walang ligtas na rehiyon sa ganitong uri ng sakuna.

Samantala, tampok ang iba’t ibang scenario-based drills sa isinagawang earthquake drill sa Dipolog gaya ng mass casualty management, hazardous materials response, fire at oil spill containment, water at high angle rescue, debris clearing, looting control, aeromedical evacuation, at collapsed structure search and rescue.

Facebook Comments