Burukrasya sa PCO, mas lalo pang lumobo

Pinuna ni Presidential Communications Acting Secretary Jay Ruiz ang napakaraming posiyon sa Presidential Communications Office (PCO).

Ayon kay Ruiz, tila naging political accommodation o tambakan na ng mga opisyal ang ahensya dahil hindi ito nababawasan sa tuwing may pumapasok na bagong kalihim.

Sa ngayon aniya ay mayroong 12 Assistant Secretaries sa PCO, walong undersecretaries, at 15 hanggang 18 Directors, bukod pa ang mga itinalaga ng mga naunang kalihim sa attached agencies.


Hindi aniya niya alam kung sino ang accountable o dapat na may pananagutan sa trabaho dahil parami nang parami ang mga tao.

Kaya sabi ni Ruiz, makatwiran sa pagkakataong ito ay mga kilala niya ang mailagay sa pwesto para batid niya ang integridad ng mga ito.

Maglalagay lamang siya ng apat hanggang limang undersecretary, pito hanggang walong assistant secretary, 12 director.

Paliwanag ng kalihim, marami ang matatamaan sa gagawing pagbabago ng PCO kahit pa ang ilan niyang mga kaibigan pero kailangan aniyang magampanan nang tama ang mga utos ng pangulo at maibigay ang tamang serbisyo sa publiko.

Facebook Comments