
Cauayan City – Tagumpay na nakapasok ang Cauayan City sa listahan ng Top Startup Ecosystems sa Pilipinas, ayon sa ulat ng global startup research platform na StartupBlink.
Ang report ay mula sa StartupBlink, isang global startup research platform na sumusuri sa mga nangunguna sa tech economy at tumutulong sa mga gobyerno at korporasyon na palaguin ang kanilang innovation ecosystem.
Mula sa pagiging isang maliit at agrikulturang lungsod sa hilagang bahagi ng bansa, ngayon ay kinikilala na ito bilang isa sa mga bagong sentro ng inobasyon at teknolohiya.
Sa national ranking, pumwesto ang Cauayan sa ika-7 na puwesto—isang bagong pasok sa listahan ngayong 2025. Sa pandaigdigang antas, nasa ika-1040 ang lungsod na may kabuuang score na 0.123.
Ang paglago ng startup ecosystem ng bansa ay patuloy na pinapalakas ng mga sektor gaya ng Fintech, E-commerce, Healthtech, Edtech, at Software-as-a-Service (SaaS), na suportado ng lumalaking digital consumer base at regional demand.
Dagdag pa rito, inaasahang higit pang lalago ang oportunidad sa mga lokal na startup sa tulong ng bagong amyenda sa Foreign Investment Act, na layong hikayatin ang mga global SMEs na magtayo ng 100% foreign-owned na negosyo sa bansa.
Isang malaking hakbang ito para sa Cauayan City at patunay na kahit ang mga maliliit na lungsod ay maaaring maging susunod na tech hubs ng Pilipinas.