COMELEC DAGUPAN, SINUSPINDE MUNA ANG PAG-IISYU NG VOTERS CERTIFICATE SA HULING ARAW NG REGISTRATION

Pansamantalang suspendido ngayong araw, Lunes, Mayo 18, ang pagproseso at pagpapalabas ng Voter’s Certificate sa lahat ng field offices ng Commission on Elections nationwide, kabilang na rito sa lungsod ng Dagupan.

Ito ang naging opisyal na paalala ng COMELEC sa mga residente kasunod ng inilabas na public advisory ng komisyon.

Ayon sa pamunuan, ang hakbang na ito ay upang bigyang-daan ang inaasahang malaking volume ng mga aplikante para sa huling araw ng Voter Registration na gaganapin din ngayong araw sa bansa.

Inaasahang babalik sa normal na operasyon ang pag-isyu ng voter’s certification bukas, araw ng Martes, Mayo 19.

Paalala naman ng COMELEC Dagupan sa mga hahabol sa huling araw ng rehistrasyon ngayong araw, magtungo nang maaga sa kanilang tanggapan mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon at dalhin ang mga kinakailangang dokumento upang hindi mapabilang sa mahabang pila bago ang opisyal na pagsasara ng registration system.

Layunin nitong masigurong lahat ng mga maghahabol na bagong botante sa lungsod ay mabilis at maayos na maasikaso ng kanilang mga staff sa mga field offices. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments