
Inihayag ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon hinggil sa natanggap nilang ulat na may isang kanidato ang namimigay ng cash card sa mga botante.
Ito’y sa pamamagitan ng Electronic Money Issuer (EMI) na Universal Storefront Services Corporation (USSC).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ginagamit umano ito ng kandidato sa pagkakongresista sa Quezon City bilang paraan ng pagbili ng boto.
Aniya ang USSC ay isang kompaniya na nag-aalok ng financial services kabilang ang e-wallets, prepaid cards at pagpapadala ng pera sa bansa.
Paliwanag pa ni Garcia, ang USSC cards ay halos kapareho ng mga SIM card pero nagagamit ito sa ilang mga accredited store para makabili o kaya ay makakuha ng discounts ng mga produkto.
Sa ngayon ay hinihintay pa ni Garcia ang kumpletong ulat ng Committee on Kontra Bigay sa naturang isyu.
Muling iginiit ng Comelec na ang pamamahagi nito sa panahon ng kampaniya ay malinaw na isang uri ng vote buying na mahigpit nilang ipinagbabawal.