CONVOY NG TUMATAKBONG MAYOR SA ABRA, PINAGBABARIL; ISA, PATAY!

CAUAYAN CITY- Isa ang kumpirmadong nasawi habang isa rin ang sugatan sa nangyaring pamamaril sa Sitio Agdamay, Barangay Budac, Tayum, Abra noong ika-21 ng Abril taong kasalukuyan.

Ayon sa ulat mula sa Tayum Municipal Police Station (MPS), agad silang rumesponde matapos makatanggap ng tawag ukol sa nasabing insidente.

Pagdating sa lugar, nakarinig sila ng isang putok ng baril at naabutan ang isang itim na pick-up kung saan agad nila itong pinahinto, at natukoy ang driver na si Jomel Barbieto Molina.

Nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang cal. 45 pistol, tatlong magasin na may lamang bala, at isa pang cal. 45 pistol na may magazine na pagmamay-ari umano ni Jay-ar Tanura.

Batay pa sa karagdagang ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril matapos umanong magkagirian ang grupo ng mga lalaki na kaugnay ni SB Member Walter Tugadi at ang grupo naman ni Kathlia Alcantara, isang kandidato sa pagka-alkalde ng Tayum kasama si Punong Barangay Ryan Luna habang sila’y nangangampanya sa nasabing lugar.

Sa naturang engkwentro, pinaputukan ang grupo nina Alcantara at Luna, na ikinasugat ni Jordan Barcena at ikinasawi ni Jay-ar Tanura.

Facebook Comments