CONSTRUCTION WORKER, PATAY MATAPOS SAKSAKIN SA DIBDIB NG LASING NIYANG BAYAW SA SAN FABIAN

Nasawi ang isang 52-anyos na construction worker matapos saksakin sa dibdib ng umano’y lasing na lalaki habang nag-iinuman sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Tempra Guilig, San Fabian gabi ng Mayo 23.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, ayon sa mga rumespondeng tanod ng barangay, kasama umano ng biktima ang kaniyang anak at lolo sa isang inuman nang dumating ang bayaw nito na umano’y nasa impluwensiya ng alak.

Hindi umano ito pinansin ng grupo kaya umalis ang suspek, ngunit maya-maya ay bumalik na armado ng mahabang bolo at doon sinaksak ang biktima sa kaliwang bahagi ng dibdib.

Agad na isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Kaagad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek, habang narekober sa pinangyarihan ang ginamit na bolo na may habang tinatayang 12½ pulgada.

Samantala, nagbabala naman ang barangay sa mga residente ukol sa responsableng pag-inom ng alak. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments