
Nangangamba ang Confederation of Truckers Association in the Philippines (CTAP) sa posibilidad ng pagkakaroon ng pagsisikip sa pantalan ngayong nalalapit na panahon ng kapaskuhan.
Ayon sa CTAP, nagiging malaking perwisyo sa kanila ang kasalukuyang proseso ng mga shipping lines.
Nabatid sa ilalim ng patakaran ng mga shipping lines, natetengga ang mga driver dahil sa halip na maibalik na nila ang mga walang laman na container, nananatili pa rin sila sa mga port.
Ayon kay CTAP President Mary Zapanta, sa halip na makakuha ng booking ng panibagong biyahe ang kanilang mga drivers, hindi sila makaalis lalo na’t hindi pa naibababa sa likod ng mga truck ang mga empty containers.
Paliwanag pa nila, dagdag gastos at nade-delay ang kanilang operasyon dahil sa sistema kung saan lalo rin silang nahihirapan bunsod na rin ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Dahil dito ay nagpapasaklolo na ang grupo kay Cabinet Sec. Benhur Abalos kung saan giit nila na ang kalihim lang ang makakatulong sa kanila gaya ng ginawa nila noong nakaupo pa ito sa DILG.










