
Ipinagpapatuloy ngayong ika-34 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang cross-examination ng defense team kay Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Atty. Ronel Buenaventura.
Kung matatandaan, si Buenaventura ang nagbunyag sa 666 covered transaction report (CTRs) at 55 suspicious transaction report (STRs) ng mag-asawang VP Duterte at Atty. Mans Carpio.
Si Buenaventura rin ang nagkumpirma na aabot sa P4.4 billion ang pumasok na transaksyon sa mga accounts ng mag-asawang Duterte-Carpio.
Hiwalay pa ito sa P4.5 billion na transaksyon na pumasok sa 15 korporasyon na may business interest ang bise at si Carpio.
Sinasabi rin sa presentasyon kahapon ang pagpasok ng pera sa mga accounts ng mag-asawa na umano’y mula sa China at sa isang diumano’y drug lord.
Si Atty. Mark Vinluan ng defense team ang magpapatuloy ng cross-examination kay Buenaventura at posibleng abutin ulit ito ng maghapon.
Samantala, bago magsimula ang cross-examination, humingi ng paumanhin si Vinluan na hindi nila layuning mag-intimidate ng mga senator-judges at sa mga kapwa litigators ng hukumang ito.
Nagpasalamat din ito kay Senator-judge Lito Lapid sa pagbibigay sa kanila ng maja blanca ngayong umaga.
Kahapon ay umalma ang mga senator-judges sa paulit-ulit na pagbabanta ni Vinluan na posibleng makasuhan at makulong ang media at mga opisyal ng gobyerno na naglabas ng financial records ni VP Sara dahil sa isyu ng confidentiality.










